PCOO, puspusan ang ginagawang paghahanda sa huling SONA ni Pangulong Duterte

Ilang araw bago ang ika-anim na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, July 26. 2021, walang tigil ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa paghahanda para dito.

Sa statement ng PCOO, bago ang nakatakdang SONA ng pangulo ipapalabas muna ang isang documentary na pinamagatang “Ang Pangulo.”

Bunsod pa rin ng COVID-19 pandemic, limitado lamang sa 400 na bisita ang personal na makakadalo sa Batasang Pambansa Hall pero ang mga ito ay dapat makapagpresenta ng negatibong RT-PCR result.


Dahil sa limitadong audience, maglalagay muli ng virtual live screening sa Malacañang Palace na maaaring daluhan ng ilang mga gabinete at diplomats na hindi personal na makaka- attend sa Batasan.

Samantala, si RTVM Director Danny Abad naman ang madidirek ng SONA habang magsisilbi namang SONA Committee Chairpersons sina PTV General Manager Kat de Castro at PCOO Sec. Martin Andanar.

Magiging tampok din ang mga disensyo mula sa Mindanao na hometown ng pangulo.

Kasunod nito, patutugtugin din sa Lunes ang mga paboritong kanta ng pangulo tulad ng “Ang Pagbabago”, “What a Wonderful World,” “Dust in the Wind,” at “McArthur Park,” kung saan ang Philippine Philharmonic Orchestra ang syang aawit nito.

Kakanta naman ng ating National anthem ang Asia’s Phoenix na si Morissette Amon.

Kaugnay nito, tiniyak ng PCOO na uukit sa puso at isipan ng bawat Pilipino ang huling SONA at panunungkulan sa pwesto ni PRRD.

Facebook Comments