Napapanahon na para mapagtuunan ng pansin ang puno’t dulo ng mga nagaganap na media killings sa bansa.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar matapos ang guilty verdict na ibinaba ng hukuman kontra sa ilang nasa likod ng madugong Maguindanao massacre kung saan nasa 32 mga mamamahayag ang pinatay sa karumaldumal na krimen.
Ayon kay Andanar, ang kailangan ngayon ay ang mabigyan ng atensiyon ang ilang mga concerns ng nasa hanay ng media gaya ng mga umaasa lamang sa sponsorship ng mga pulitiko at mga negosyante.
Pagbibigay diin ng Kalihim, ang dapat sanang mapagtuunan ngayon ng pansin ng kongreso ay ang House Bill No. 2476 o ang Media Workers’ Welfare Act na layuning mabigyan ng proteskyon ang nasa larangan ng pamamamahayag.
Bukod pa rito ang iba pang mga benepisyong maaaring maipag-kaloob sa mga nasa media kasama na ang proteksyon sa mga blocktimers na kadalasang nagsisilbing talking heads ng mga politically-inclined discussions at madalas mabiktima ng harassment sa mga lalawigan.