*Cagayan- *Nilinaw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ang Lotto lamang ang pinayagan na bumalik sa operasyon sa lahat ng gaming activities sa ilalim ng ahensya.
Ayon kay PCSO Provincial Manager Henerson Pambid, suspendido pa rin ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) at KENO hanggat walang pangibagong kautusan mula sa Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nag-utos para ipahinto ang operasyon ng lahat ng gaming activities ng PCSO simula noong biyernes ng nakaraang Linggo.
Kanya rin nilinaw na ang mga nanalo ng Lotto at KENO sa mga nagdaang panahon ay pwede pang i-claim ang kanilang premyo sa PCSO Central Office sa Conservatory Building Shaw Boulevard, Mandaluyong City mula alas otso ng umaga hanggang 4:30 ng hapon sa araw ng Lunes hanggang Biyernes.
Tuloy rin aniya ang kanilang Charity Assistance Program na Individual Medical Assistance Program o IMAP.
Batay sa report, nasa 250 Milyong piso na Revenue ng PCSO ang nawala sa apat na araw na pagsuspinde sa Lotto.
Samantala, bagamat naapektuhan umano ang moral ng mga empleyado at opisyal ng PCSO dahil sa lumutang na isyu ng katiwalian na siyang binabantayan para sa imbestigasyon ay suportado naman aniya ito ng mga Provincial Offices ng PCSO upang maliwanagan ang lahat at mapanagot ang sinumang nasasangkot sa korapsyon.