PCSO, Namahagi ng P5-M na Halaga ng Tulong sa Rehiyon Dos

Cauayan City, Isabela- Namahagi ng tulong na aabot sa halagang mahigit P5-Milyon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pangunguna ng Vice-Chairperson at General Manager Royina Garma para sa mga Local Government Unit (LGUs), National Government Agencies (NGAs) at Educational Institutions sa buong Lambak ng Cagayan.

Nakiisa si PRO2 Regional Director, Police Brigadier General Steve Ludan sa turn over ceremony ng PCSO sa mga benepisyaryo ng nasabing tulong.

Kabilang sa mga tumanggap ng tulong ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO), Bureau of Fire Protection Region 2; at mga Local Chief Executives ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Lalawigan ng Kalinga.


Ipinagkaloob sa mga nasabing ahensya at probinsya ang mga Wheelchairs, stretchers, hospital beds, masks, gloves, personal protective equipment at mga gamot na nagkakahalaga sa Php5,298,240.00.

Ayon kay GM Garma, handa aniya ang kanilang tanggapan na magbigay ng tulong lalo na ngayong pandemya subalit nakikiusap ito sa mga LGUs, NGAs o sa kung anumang organisasyon na nais makakuha ng ayuda mula sa PCSO na ayusin muna ang liquidation para iwas sa problema.

Ipagpapatuloy aniya ng PCSO ang pagbibigay pondo para sa healthcare lalo na sa mga COVID-19 patients na nangangailangan ng atensyong medikal.

Ang pamamahagi ng tulong ng nasabing ahensya ay bahagi ng kanilang ika-87 na taong anibersaryo.

Facebook Comments