Nangako ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na lalo nilang paiigtingin ang kanilang laban sa pagsugpo sa mga professional squatters at squatting syndicates.
Sa isang forum sa National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates na inorganisa ng tanggapan ni PCUP Commissioner Reynaldo Galupo sa DHSUD auditorium, nagkasundo ang mga opisyal ng iba’t ibang mga ahensiya na lalo pang palakasin ang kanilang hanay upang matugunan ang patuloy na lumalalang pamamayagpag ng mga professional squatters at mga sindikato.
Paliwanag pa ni Galupo na kailangan umano nilang gumawa ng mga hakbang upang kilalanin at pigilan ang mga gawain ng mga indibidwal o mga grupo na nasa likod nito, kabilang ang mga politiko o mga personalidad na nasa likod ng mga sindikatong ito.
Paliwanag naman ni DSHUD Assistant Secretary Melissa Aradanas, na dapat magkaisa ang lahat ng mga ahensiyang kabilang sa National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates na paigtingin pa ang pagsisikap na kilalanin at kasuhan ang mga taong nasa likod ng mga organisadong professional squatters at squatting syndicates.
Kasama sa mga dumalo sa nasabing pulong ay mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) Philippine National Police (PNP), National Urban Poor Sectoral Council of the National Anti-Poverty Commission o NUPSC- NAPC, National Bureau of Investigation (NBI), Land Registration Authority (LRA), at Office of the Solicitor General.
Nagkasundo ang mga kinatawan na magbigay ng mga kopya ng mga pangalan at listahan ng mga taong may kaugnayan sa mga illegal na gawain sa tanggapan ng the DSHUD at National Housing Authority (NHA) upang huwag maisali ang mga ito sa mga darating na program o proyekto ng pamahalaan at magrekomenda na hindi maibilang ang mga ito sa mga kasalukuyang pabahay ng pamahalaan.
Nangako rin ang mga kinatawan ng DOJ, DILG, PAO, at PNP na magbibigay ng legal assistance sa mga biktima ng mga professional squatters and mga sindikato.
Giit pa ni Galupo na ang mandato ng PCUP ay hindi limitado sa pagsubaybay sa mga demolisyon at pagpapaalis sa mga iskwater kundi tumulong din sa pagbuo ng isang sistema na susubaybay sa mga gawain ng mga ahensiyang kabilang sa National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates.