PDEA at PNP, posibleng pinaglaruan ng sindikato ng droga matapos magkabarilan ang mga pulis at PDEA agents sa buy-bust operation sa Quezon City

Ayaw na munang magbigay impormasyon ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa kung ano talaga ang totoong nangyari sa buy-bust operarion sa Commonwealth, Quezon City na nagresulta sa barilan ng mga pulis at PDEA agents na ikinamatay ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang civilian informant ng PDEA.

Sa isinagawang Joint PNP-PDEA press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PDEA Director Wilkins Villanueva at PNP Chief General Debold Sinas na nagpapatuloy ang pagkuha ng mga ebidensya.

Sinabi ni Villanueva, nagiging maingat sila pagkuha ng mga ebidensya at impormasyon para matukoy kung sino ang may mali at para mapanagot.


Ginagawa aniya nila ang pag-iingat sa pagbibigay ng impormasyon dahil posibleng naka-monitor ang mga sindikato ng droga kung totoo man na pakana nila ang nangyari sa mga pulis at PDEA agents.

Ayon kina Villanueva at Sinas, nais nilang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalawang pulis, isang PDEA Agent at isang civilian informant kaya nagiging maingat sila sa pag-iimbestiga.

Pinabubulaanan naman ni Villanueva na may nangyaring “sell-bust” operation sa insidente.

Sa ngayon ay aniya nasa restrictive custody ng PNP-CIDG ang sampung pulis at pitong PDEA agents na direktang nasangkot sa buy-bust operation.

Facebook Comments