PDEA CamNorte Assistant Provincial Officer, Natagpuang Patay sa CamSur

Isang mataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Norte Provincial Office ang natagpuang patay sa bayan ng Lupi, Camarines Sur, kaamakalawa bandang alas 8 ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Agent Enrico Barba, Assistant Provincial Officer ng PDEA – Camarines Norte.

Ayon sa report, napag-alaman na missing na umano si Barba bandang alas 12 ng hatinggabi noong lunes matapos makipagkita sa isang indibwal na di-umano’y magbibigay ng impormasyon tungkol sa operasyon ng droga sa nasabing probinsiya.


Ang meet-up ni Barba sa sinasabing magbibigay di-umano ng impormasyon tungkol sa operasyon ng droga sa Camarines Norte ay naipaabot umano sa kaalaman ni PDEA Camarines Norte PDEA Provincial Director Agent Vidal Bacolod na siyang Higher Officer ni Barba. Ayon kay Bacolod, na-e-relay rin niya sa opisina ng PDEA Region 5 ang nasabing meet-up activity ni Agent Barba.

Ang wala ng buhay na katawan ni Barba ay natagpuang nakagapos ang kamay at bibig gamit ang packaging tape. Sa otopsiya, lumalabas na may mga tama ng bala ang mukha at iba pang bahagi ng katawan ng biktima.

May narecover rin na bala ng 9-mm pistol sa crime scene.

Sinasabi rin sa report na may nakuha pa umanong card board sa shorts ng biktima kung saan may nakasulat na “Wag ako tularan, tulak ako.”

Patuloy naman ang isinasagawang imbistigasyon ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation kaugnay ng karumal-dumal na krimen.

Hindi naman ito palilipasin ng PDEA Regional Office 5 kung saan nagpalabas ito ng statement na hindi sila titigil hanggan’t hindi nabibigyan ng hustisya ang kamatayan ng isang agent nito.

Facebook Comments