PDRRMC Isabela, Nagbigay Paalala sa mga Magsasaka na Anihin na ang mga Pananim Bago Tumama ang Bagyong Rosita!

*Cauayan City, Isabela- *Pinaalalahanan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ang lahat ng mga magsasaka na anihin na ang mga pananim na maaari ng anihin bago pa dumating ang Bagyong ‘Rosita’.

Ito ang ipinanawagan ni Dr. Angelo Naui, ang Provincial Veterenarian and Agriculturist ng Isabela matapos ang isinagawang pagpupulong ng PDRRMC kahapon kung saan maigting ang kanilang pagbibigay paalala sa publiko lalo na sa mga may tanim ng palay at mais na kung pwede ay anihin na ang mga ito.

Panawagan pa ni Naui sa lahat ng mga may alagang hayop na ipastol sa ligtas na lugar ang mga alaga lalo na sa mga nasa tabing ilog upang hindi ito tangayin ng tubig-baha.


Ayon pa kay Naui, nagsasagawa na rin umano sila ng personal na pagpapaalala sa publiko upang hindi na maulit ang mga naunang insidente na nalagay sa alanganin ang mga magsasaka dahil hindi napaghandaan ang pagdating ng kalamidad.

Ito ay matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong ‘Rosita’ at batay sa pagtaya ng PAGASA ay tinutumbok nito ang Isabela at Cagayan area.

Facebook Comments