Cauayan City, Isabela – Nagkaisa ang mga residente sa bayan ng Piat, Cagayan para magsagawa ng peace rally upang itaboy ang mga rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa kanilang lugar.
Mahigit 300 na mga residente ang nagsanib-pwersa kahapon, Pebrero 24, 2021 sa pagsagawa ng peace rally mula sa mga barangay ng Minanga at Calaoagan upang talikuran at putulin ang kanilang pagsuporta sa teroristang CPP-NPA sa kanilang lugar.
Ito ay pinangunahan ng kani-kanilang mga Barangay Officials at ng mga dating kasapi ng rebeldeng CPP-NPA na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Kasunod ng peace rally, sinunog ng mga residente ang bandila ng teroristang CPP-NPA-NDF tanda ng kanilang pagtalikod at pagtatakwil sa rebeldeng grupo.
Nagbigay din ng testimonya ang ilang mga residente ukol sa pang-aabuso at pananakot na ginagawa ng mga teroristang CPP-NPA.
Ayon sa isang Ginang na si Flor Cariaso, dating kasapi ng NPA, ibinahagi nito na walang kinahinatnan ang ginawang pag-anib sa rebeldeng grupo at ito aniya ang pinakamaling desisyon na kanyang nagawa sa buhay.
Sa sampung taon aniya nitong nasa loob ng kilusan ay sampung taon rin na nasira ang kanyang buhay at ang kanyang pamilya.
Nagpapasalamat naman ang alkalde ng Piat na si Hon. Carmelo Villacete, dahi sa pagsisikap ng kasundaluhan upang mapanatili ang katahimikan sa kanilang bayan laban sa banta ng insurhensiya at pagtulong ng kasundaluhan sa mga sumukong NPA para makapagsimula muli at makapag bagong buhay kasama ang mga pamilya.
Inihayag din ni Col Steve Crispillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, Philippine Army, ang kanyang pasasalamat sa mga residente ng naturang barangay dahil sa ipinakitang katapangan upang itakwil ang mga rebelde maging ang mga kaalyado nito.
Bukod sa peace rally, nagsagawa rin ng medical mission at feeding activity ang Municipal Health Office ng nasabing bayan katuwang ang kasundaluhan ng 17IB at ang kapulisan ng PNP Piat.