PEACE TALKS | Kanselasyon, ikinabahala ng Liberal Party

Manila, Philippines – Nagpapahayag ng pag-aalala ang Liberal Party o LP sa pagkansela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front.

Ayon kay LP President Senator Kiko Pangilinan, ang pagkansela ng peace talks ay mangangahulugan lamang ng patuloy na paghihirap para sa lahat, lalong-lalo na sa mga sibilyan na naiipit sa tila walang-katapusang labanan sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng grupo.

Giit ni Pangilinan, kailangang magkaroon ng isang tuloy-tuloy na pag-uusap tungkol sa pagtigil ng labanan, reporma sa lupa, pagpapabuti at pagtitiyak ng mga karapatan ng mga manggagawa, proteksyon sa mga katutubo at pagtuldok sa kawalang-katarungan.


Diin ni Pangilinan, marami ang maaaring magawa nang hindi nangangailangan ng pagdanak ng dugo dahil kailanman ay hindi naging mabuti ang digmaan upang wakasan ang anumang alitan, lalo na kung ito’y tumagal na ng limang dekada.

Bunsod nito ay umaasa ang LP na panandalian lamang ang pagkanselang ito at matutuloy pa rin ang pagtahak ng daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan para sa lahat.

Facebook Comments