Cauayan City, Isabela- Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 na hindi diskwalipikado sa pagtanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program ang mga Senior Citizen.
Ayon kay Ginang Jeaneth Lozano, tagapagsalita ng DSWD-RO2, saklaw pa rin naman ang mga senior sa tatanggap ng ayuda sa kabila ng may mga tinatanggap ng ibang pension ang mga ito gaya sa Social Security System na hindi hihigit sa P5,500.
Aniya, nakadepende pa rin naman ang pagtanggap ng nasabing tulong pinansyal sa sitwasyon ng pamilya ng senior o kung hindi rin sila disqualified sa nasabing programa.
Giit din ni Lozano, hindi pa rin pinapayagan ang senior na ‘living alone’ o mag-isa lang na namumuhay base na rin sa guidelines ng ayuda.
Paliwanag pa nito, ilan sa dahilan kung bakit hindi naisasama sa ayuda ang ilang senior citizen dahil mas prayoridad ng programa ang pamilya o yung may tinutugunang pangangailangan ng mga miyembro.
Dagdag pa niya, prayoridad din ang mga senior subalit ang mga ayudang natanggap na food packs at medicine mula sa mga Local Government Unit ang magsisilbing tulong sa kanila.
Patuloy naman ang panawagan ng ahensya sa publiko na makiisa sa programa ng gobyerno at ipagbigay alam sa kanila ang mga posibleng may anomalya.