
Nanawagan ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia sa Diocese of Kalookan na magpatupad ng 30-araw na vegan commitment kasunod ng kontrobersiya sa insidente ng Easter dove.
Kaugnay ito sa pagpatay sa isang kalapati bilang bahagi ng Salubong activity sa Easter Sunday sa Diocesan Shrine and Parish of the Immaculate Conception sa Malabon.
Ayon sa PETA, kung tunay ang pahayag ni Bishop Pablo Virgilio David na “hindi dapat piliin ang ating habag,” dapat umano itong ipakita hindi lamang sa ilang hayop kundi sa lahat ng nilalang na nakararanas ng pagdurusa, kabilang ang mga hayop na ginagamit para sa pagkain.
Giit ng grupo, ang pagdurusa ng hayop ay hindi lamang nangyayari sa mga pampublikong ritwal kundi maging sa araw-araw na produksyon ng pagkain na kadalasang hindi nakikita ng publiko.
Dagdag pa ng PETA, ang pagtalima sa vegan diet sa loob ng isang buwan ay maaaring maging simpleng paraan ng pagbawi at konkretong pagpapakita ng habag at malasakit.
Sinabi rin ng grupo na para sa mga nalungkot sa insidente ng kalapati, ang ganitong hakbang ay magpapakita na ang habag ay hindi lamang sinasabi kundi isinasabuhay.










