
Dumulog sa Korte Suprema ang ilang mga abogado upang ipahinto ang impeachment proceedings ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa kopya ng petisyon, hiniling nina Atty. Israelito Torreon at ilang mga abogadong kilalang mga tagasuporta ng mga Duterte na maglabas ng temporary restraining order ang Kataas-Taasan Hukuman laban sa pag-usad ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaints sa House Committee on Justice.
Nais din nilang ipawalang-bisa ang lahat ng subpoena na may kaugnayan dito kabilang na ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at iba pang dokumento.
Humiling din ang mga ito na maglabas ang SC ng writ of preliminary injunction habang hindi pa naglalabas ng pinal na desisyon.
Bukod dito, ipinadedeklara ng petitioners na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang House Justice Committee matapos ituloy pa rin ang pagtalakay kahit wala umanong batayan o insufficient in form at substance.
Dapat din anilang ibasura na ang complaints at pagbawalan ang mga mambabatas na ituloy ang ikatlo at ikaapat na impeachment.
Respondents naman dito sina House Justice Committee Chairperson Gerville Luistro at Speaker Bojie Dy.










