Petisyon para sa P470 na dagdag-sweldo sa NCR, ihahain ng grupo ng mga manggagawa ngayong araw

Nakatakdang maghain ng petisyon para sa dagdag-sahod ang grupo ng mga manggagawa ngayong araw.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, laman ng petisyon ang hirit nilang P470 na umento sa sahod sa Metro Manila.

Ibig sabihin, nais ng grupo na itaas sa P1,007 ang minimum wage sa NCR na aniya’y kailangang sahod para mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga manggagawa.


“Kasi naiintindihan namin yung sitwasyon during that time [pandemic]. Pero ngayon na Alert Level 1, unti-unti na tayong bumabalik, siguro naman panahon na para mag-file kami ng wage hike petition,” ani Tanjusay sa panayam ng RMN Manila.

Umaasa naman ang labor group na dalawang linggo mula ngayon ay makapaglalabas na ng desisyon ang wage board hinggil sa kanilang petisyon.

“Inaasahan namin na pagkatapos naming mag-file today, merong dalawang weeks na magpapatawag ang wage board ng consultation sa mga negosyante at employers, merong isang consultation na gaganapin sa mga manggagawa at labor sectors,” saad ni Tanjusay.

“Pagkatapos niyan, after two weeks, inaasahan namin na maglalabas ng desisyon ang wage board kung magkano yung kanilang… wage hike order,” dagdag niya.

Facebook Comments