PGH, posibleng maging full capacity na sa pagtanggap ng COVID-19 patients

Posibleng umabot na sa full capacity ang Philippine General Hospital (PGH) hinggil sa mga pasyente nito na may kaugnayan sa COVID-19.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, marami na silang natatanggap na COVID-19 patient kung saan nasa 90% occupancy na sila at puno na rin ang Intensive Care Unit (ICU).

Sinabi pa ni Dr. Del Rosario, na nasa 160 COVID-related patients ang nasa PGH ngayon simula nang maging referral hospital dahil sa kapasidad nito sa pagtanggap sa mga pasyente.


Aniya, nalagpasan na nila ang 130-bed allocation pero dahil may mga buffer beds, na-accommodate pa nila ang iba pang COVID-19 patient.

Sa kabila nito, nais pa rin ng pamunuan ng PGH na gumaan ang trabaho ng mga medical frontliner kung saan nag-iisip na sila ng paraan kung paano ba mapapagaan ang load ng kanilang mga tauhan.

Una na rin nilang inasahan na mababawasan na sana ang COVID-19 patients pero sa ngayon ay parang hindi man lang bumaba ang bilang nito.

Facebook Comments