PhilHealth, tiniyak na may dagdag na benepisyong matatanggap ang mga contributor sa ilalim ng UHC Law

Manila, Philippines – Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na may karagdagang benepisyong matatanggap ang mga contributor ng PhilHealth sa pagsasabatas ng Universal Health Care Law o UHC.

Kaakibat kasi ng batas ang pagkakaroon ng PhilHealth membership sa lahat ng Pilipino.

Sa ilalim ng bagong batas, hahatiin ang membership ng PhilHealth sa dalawang klaseng contributor.


Ito ay ang direct o ang mga may kakayahang maghulog ng kontribusyon at indirect o ang mga walang kapasidad maghulog ng kontribusyon kaya kukunin ito sa pondo ng gobyerno.

Ayon kay Roy Ferrer, acting president ng PhilHealth, wala dapat ipangamba ang mga may kakayahang maghulog sapagkat may dagdag-benepisyo silang matatanggap.

Sabi naman ni Health Secretary Francisco Duque, kabilang sa benepisyo ng UHC ang mga gamot na kinakailangan ng mga maintenance.

Muli namang ipinaalala ni Duque na gagawin pa lang ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng batas kaya dapat maunawaan ng publiko na hindi pa agad ito mararamdaman.

Facebook Comments