
Natapos na ang oral arguments ng Korte Suprema kaugnay sa kontrobersiyal na paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth pabalik sa National Treasury.
Tumagal ng pitong oras ang pagtalakay at pagtatanong ng mga mahistrado kung naaayon ba sa Konstitusyon ang pagbabalik ng P60 billion mula sa orihinal na P89.9 billion na pondo ng PhilHealth funds para gamitin sa unprogrammed appropriations.
Kanina, ipinaliwanag ni Finance Secretary Ralph Recto na walang ginastos ang PhilHealth noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at sa halip ay kumita pa ito.
Bago naman magtapos ang oral arguments, mismong si Chief Justice Alexander Gesmundo ang nagtanong sa opisyal ng PhilHealth kaugnay sa ilang beses na pagpuna ng Commission on Audit (COA) sa kanilang mga benepisyo at bonus.
Sina Chief Justice Alexander Gesmundo at PhilHealth Senior Vice President Reynaldo Limsiaco Jr.
Matapos ang oral arguments, pinagsusumite na ng SC ang magkabilang panig ng kanilang memoranda sa loob ng 30 araw.