Nagpahayag ng kumpiyansa si Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad na hihina ang pag-recruit ng New People’s Army (NPA) sa pag-restrict ng mga website na konektado sa mga teroristang komunista.
Ginawa ng opisyal ang pahayag makaraang na ipa-restrict ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga local Internet Service Providers ang access sa mga site na ito mula sa Pilipinas.
Batay na rin ito sa hiling ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Ayon kay Trinidad, maraming nalilinlang na sumama sa NPA dahil sa propagandang ikinakalat ng mga teroristang komunista.
At batay aniya sa mga testimonya ng mga nagbalik-loob sa gobyerno, nalalaman nilang puro kasinungalinan ang propaganda ng komunista matapos na maranasan ang buhay bilang miyembro ng NPA.
Sinabi ng opisyal na kung ang pagpapasara ng mga nasabing website ay makakahadlang sa pagkalat ng propaganda ng mga komunista, posibleng maiwasan na maloko ang mga kabataan na sumama sa kanila.