Philippine Coast Guard, kinumpirma ang panibagong insidente ng pagdikit ng Chinese Coast Guard malapit sa kanilang barko

Mariing kinondena ng Philippine Coast Guard ang ginawang pagmamaneobra ng barko ng Chinese Coast Guard malapit sa kanila habang nagsasagawa sila ng maritime patrol sa Bajo de Masinloc noong Marso 2.

Ayon sa PCG, isang barko ng China na may bow number 3305 ang nagsagawa ng close distance maneuvering habang nasa 21 yards lamang ang layo mula sa BRP Malabrigo ng Pilipinas.

Dagdag pa ng PCG, ang aksyon na ito ng Chinese vessel ay malinaw na paglabag sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea.


Nangyari anila ang insidente sa bisinidad ng Bajo de Masinloc o Panatag Shoal na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone.

Agad namang nakipag-ugnayan ang PCG sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at Department of Foreign Affairs (DFA) upang maaksiyunan ang nangyaring insidente.

Ito na ang ikaapat na naitalang insidente kung saan nag-maneobra ang Chinese Coast Guard vessels na malapit sa ating mga nagpapatrolyang barko.

Sa kabila nito, tiniyak ng PCG na hindi sila titigil sa pagbabantay sa ating mga teritoryo upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda.

Facebook Comments