Aminado ang pamunuan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) na nagkaroon sila ng lapses o pagkakamali sa pagkuha ng mga farm tractor na kanilang ipinamamahagi sa mga magsasaka.
Ito’y sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.
Ayon kay PHilMech Executive Director Dionisio Alvindia, na-misquote o nagkaroon ng kalituhan sa naunang inilabas na pahayag hinggil sa pagkuha ng mga nasabing kagamitan.
Dagdag pa ni Alvindia, ang pagkakamali ng PHilMech ay hindi sila nakahingi ng request o ng approval mula sa Department of Budget and Management (DBM) para i-adjust o baguhin ang naunang nailabas na presyo ng mga tracktora na nasa P1.2 million.
Sinabi ni Alvindia na kaya umabot ng P1.3 million ang mga farm tractor dahil nilagyan ito ng mga hydraulic port na makakabuti at mapapabilis ang trabaho ng mga magsasaka.
Sa kabila nito, muling iginigiit ni Alvindia na walang over pricing na nangyari at walang korapsyon na nagaganap sa PHilMech.
Humihingi naman ng paumanhin si Alvindia sa pagkakamali kung saan muli rin niyang inihayag na hindi naman maapektuhan ang pamamahagi ng mga farm tractor kahit pa nagkaroon ng delay o pagkaantala sa bayad ng mga supplier.