PHO Cagayan, Walang Pahintulot na Ibakuna ang Sputnik V sa Lalawigan

Cauayan City, Isabela- Iginiit ng Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na hindi muna pinapahintulutan ang bakunang Gamaleya Sputnik V na iturok sa mga mamamayan ng buong Lalawigan.

Kinumpirma mismo ito ni Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer at pinabulaanan rin ang pahayag ng DOH na nakipag-ugnayan umano ang nasabing ahensya sa probinsya para sa pag roll-out ng Sputnik vaccine partikular sa bayan ng Enrile at Solana matapos na tanggihan ng Tuguegarao City ang nasabing bakuna.

Ayon pa kay Dr. Cortina, mismong si City Health Officer James Guzman ang tumanggi na mai roll out ang Sputnik vaccines sa mga mamamayan ng Tuguegarao dahil wala ito otorisasyon mula sa World Health Organization o WHO.


Sinabi rin ng Doktor na walang pormal na sulat o kahilingan ang DOH sa PHO maging kay Governor Manuel Mamba para sa pagbabakuna ng Sputnik sa mga residente ng Enrile at Solana.

Kaugnay nito, pinagpapaliwanag ngayon ng Gobernador ang DOH kung bakit nakalusot ang naturang bakuna at pinayagang maisagawa sa isang pribadong hotel ni Cong. Jojo Lara.

Facebook Comments