
Walang dapat ikabahala ang publiko sa banta ng Iran na umatake sa mga base ng Amerika.
Sa gitna ito ng mga pangamba na maaaring madamay ang Pilipinas sa tumitinding tensyon sa Middle East dahil sa pagiging kaalyado ng Amerika.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, mismong ang National Security Council (NSC) na ang nagsabi na walang base militar ng U.S. sa Pilipinas.
Ang mga kampo aniya sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan ng Pilipinas at hindi kontrolado ng ibang bansa ang mga pasilidad na ito.
Hinimok naman ng pamahalaan ang publiko na manatiling kalmado at maging mapanuri sa mga kumakalat na impormasyon.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of National Defense (DND), at iba pang ahensya upang mabantayan ang sitwasyon at mapanatili ang seguridad ng bansa.
Sa ngayon, tiniyak ng pamahalaan na nananatiling ligtas ang bansa at nasa kamay ng Pilipinas ang pamamahala sa mga kampo militar sa loob ng teritoryo nito.










