Pilipinas, hindi mapag-iiwanan sa COVID-19 vaccine – DOH Sec. Duque

Tiniyak ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi mapag-iiwanan ang Pilipinas oras na magkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng kalihim na malaking pakinabang ang makukuha ng bansa kasunod na rin ng pagkakatalaga niya bilang chairman ng World Health Organization (WHO) Regional Committee for Western Pacific.

Aniya, magandang pagkakataon ito para mapaigting ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa lalo na sa pagtugon sa pandemya.


Pagpapakita rin aniya ito ng respeto sa Pilipinas at sa mga ginagawa nitong hakbang para mapanatiling mababa ang death rates sa bansa bunsod ng COVID-19.

“Hindi tayo pwedeng mapag-iwanan. Nakakasiguro tayo, unang-una, si Pangulong Duterte, talagang ang bakuna ay inaasahan niya na ito ang magiging solusyon sa bandang huli para mawakasan ang pandemya,” ani Duque.

Samantala, sa ngayon ay hindi pa masabi ni Duque kung may posibilidad na maibaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila pagsapit ng Nobyembre.

Aniya, kahit nakikitaan na ang bansa ng downward trend, ikinokonsidera pa rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang health system capacity ng bansa lalo na sakaling magkaroon ng surge sa COVID-19 cases.

“Mahirap magsalita ng tapos patungkol d’yan kasi kinakailangan meron tayong independent objective data analytics. Mag-aantay tayo, siguro mga huling linggo ng Oktubre, malalaman natin kung mapababa pa natin kasi ang ating hangarin mapababa pa natin tulad ng mga 2,000, mga 1,500 sana, 1,000. Para kampante tayo na kakayanin ng ating health system capacity kung saka-sakaling magkaroon ng surge dahil syempre nagbubukas ka na ng ekonomiya, mas maraming negosyo,” dagdag pa ng Kalihim.

Facebook Comments