Tiwala ang Malacañang na kaya ng pamahalaan na makapagsagawa ng civil service examinations online sa kabila ng reklamo hinggil sa internet connection sa bansa.
Ito ang pahayag ng palasyo matapos ihayag nig Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada na pinag-aaralan na nilang magsagawa ng exams online sa harap ng banta ng pandemya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, titiyakin ng gobyerno na kaya nilang makapagsagawa ng civil service exams online.
Ang pagsasagawa ng civil service exams online ay hindi masamang ideya lalo na at nangangailangan ang gobyerno ng karagdagang manggagawa.
Aniya, masasanay ang mga tao sa paggamit ng teknolohiya lalo na at magiging bahagi na ito ng pang-araw-araw na pamumuhay ng lahat habang wala pang bakuna laban sa COVID-19.
Nabatid na nasa 290,000 ang nakatakdang kumuha ng CSC exams nitong Marso pero iniurong na ito ng 2021 dahil sa pandemya.