Manila, Philippines – Tiniyak ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na mayroon nang magagamit ang Department of Health (DOH) para maisagawa ang mga confirmatory test sa mga suspected case ng novel coronavirus sa bansa.
Sinabi ni Go na base sa kanilang pag-uusap ni Health Secretary Francisco Duque, may pinahiram na gamit ang Japan sa Pilipinas para ma-check ang mga hinihinalang kaso ng coronavirus.
Ayon kay Go, kung dati ay inaabot ng isang linggo para malaman ang resulta ng laboratory test, ngayon ay ilang araw na lamang kaya mas magiging mabilis ang pagtugon dito ng mga health authorities.
Mariin naman ang habilin ni Go sa publiko na sundin lang ang payo ng mga health officials para makaiwas na mahawa ng virus gaya ng pagpapanatili ng kalinisan sa katawan at kapaligiran at agarang pagpunta sa ospital sakaling makaramdam ng ilang sintomas.
Kinalma din ni Go ang publiko at pinakiusapang makiisa sa mga advisory ng mga health officials upang makatulong sa paglaban at pag-iwas sa pagkalat ng nCoV sa bansa.