Nagluluksa ang buong bansa, lalo na ang mga Dagupeño at Pangasinense, sa pagpanaw ng dating limang beses na Speaker ng House of Representatives na si Jose Claveria de Venecia Jr., na pumanaw noong Pebrero 10, 2026, sa edad na 89.
Isang tubong Dagupan City, Pangasinan, si Speaker de Venecia, kilala bilang “JDV” o “Speaker Joe” na kinikilalang isa sa mga haligi ng modernong pulitika ng bansa. Mahigit apat na dekada siyang nagsilbi sa pamahalaan at itinuturing na pinakamatagal na naglingkod na Speaker ng Mababang Kapulungan sa postwar Congress, matapos mahalal ng pitong termino bilang kinatawan at limang termino bilang Speaker.
Malaki ang naging ambag ni de Venecia sa pagsusulong ng demokrasya, pagkakaisa, at kaunlaran ng bansa. Siya ang utak sa likod ng Rainbow Coalition, na nagbuklod sa iba’t ibang partidong pulitikal para sa reporma at katatagan ng pamahalaan. Isa rin siya sa mga pangunahing may-akda ng mahahalagang batas tulad ng Build-Operate-Transfer Law, Bases Conversion and Development Act, Philippine Economic Zone Act, Dollar Remittance Program, at New Central Bank Act, na nagbigay-daan sa paglago ng ekonomiya at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino, kabilang ang mga overseas Filipino workers.
Bukod sa lokal na serbisyo, kinilala rin si Speaker de Venecia bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa pandaigdigang antas, matapos pangunahan ang mga peace talks at itatag ang ilang international organizations na nagsusulong ng dayalogo at pagkakaunawaan ng mga bansa at relihiyon.
Sa anunsyo ng pamilya, nakalagak sa kasalukuyan ang mga labi ni Speaker Jose de Venecia Jr. sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Pebrero 14–15, 2026: Dadalhin ang mga labi sa Dagupan City, kung saan magkakaroon ng wake at memorial services sa Annunciation of the Lord Parish (Simbahan na Bato).
Pebrero 16, 2026: Isasagawa ang state memorial service sa Batasang Pambansa.
Pebrero 17, 2026: Ibabalik ang mga labi sa Heritage Memorial Park, Taguig City.
At sa Pebrero 18, 2026: Itinakda ang paghahatid kay dating speaker joe sa kanyang huling hantungan.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamilya de Venecia na inihahayag nila ang balita ng kanyang pagpanaw “nang may mabigat na puso,” at pinasalamatan ang sambayanan sa patuloy na pakikiramay at pag-alala sa isang lider na nag-alay ng kanyang buhay sa serbisyo publiko.
Iniwan ni Speaker de Venecia ang kanyang asawang si Congresswoman Gina de Venecia, kanilang mga anak at apo, at isang pamana ng pamumuno na patuloy na magsisilbing inspirasyon, lalo na sa kanyang minamahal na Dagupan at Pangasinan, kung saan nagsimula ang kanyang kuwento bilang isang batang Pangasinense na umangat upang maglingkod sa bayan at sa mundo.









