Nasa moderate risk category na lamang ang Pilipinas pagdating sa COVID-19 dahil hindi na umaabot sa dalawang libo ang naitatalang kaso sa bansa kada araw.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maging ang health care system ng bansa ay nakaaagapay na rin na isang magandang indikasyon na nasa tamang direksyon ang pamahalaan sa pagtugon laban sa COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na may mga lugar pa rin sa bansa na kanilang binabantayan tulad sa Davao City dahil sa pagtaas ng critical care utilization.
Dahil dito, magse-set up na ang DOH ng One Hospital Command na layong magkaroon ng isang network ang mga ospital sa lugar.
Magiging katuwang din dito ang Oplan Kalinga na maglilipat sa mga naka-confine sa ospital sa mga temporary facilities para ma-decongest ang mga ospital at mabigyan ng espasyo ang iba pang pasyente .
Maliban dito, binabantayan din ng DOH ang Cebu City na may pagtaas din ng kaso pero nanatili namang mataas ang critical care utilization rate ng lungsod.