Mahigpit ang ginagawang pakikipag-ugnayan ngayon ng Pilipinas sa Russia, United States at iba pang bansa na nagde-develop ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go, ito ay para matiyak na maipaprayoridad ang mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap kapag nagkaroon na ng COVID-19 vaccines.
Sa katunayan, ayon kay Go, lumiham sa kanya si Ambassador Igor Khovaev of the Russian Federation to the Philippines, at ipinaalam na malapit na nilang makumpleto ang produksyon ng COVID-19 vaccines na nakalampas na hanggang sa phase 3 ng clinical trials.
Dagdag ni Go, tatlong bagay ang nasa offer ng Russian Ambassador; una, sa Pilipinas magsagawa ng clinical trials, magsu-supply rin sila sa atin ng bakunang ito kontra COVID-19. At, pangatlo, ang pag-set up ng local manufacturing dito mismo sa bansa natin.
Binanggit din ni Senator Go na kinumpirma ni Philippine Ambassador to the United States, Jose Manuel Romualdez na hinikayat siya ni US Secretary of State Mike Pompeo na makipagpulong sa dalawang vaccine manufacturers ngayong linggo.
Sabi ni Go, inaayos na ang pakikipagpulong ni Ambassador Romualdez sa dalawang COVID-19 vaccine manufacturers sa Amerika.
Giit ni Go, dahil sa independent foreign policy ng administrasyong Duterte ay nasisiguro ng ating pamahalaan na mayroon tayong access sa development at magiging mga supply ng bakuna kontra COVID-19.