Sinimulan na ng Cebu Pacific ang dalawang linggong pilot run para sa “Test Before Boarding” (TBB) sa mga pasaherong patungong General Santos City.
Sa TBB system, sasailalim sa antigen testing ang mga pasahero bago pasakayin ng eroplano.
Simula sa araw na ito, December 3 hanggang December 14 nire-require ang mga pasahero na sumailalim sa TBB ng libre.
Sa ganitong paraan, mababawasan ang infection sa mga magbi-biyaheng pasahero.
Ayon sa Cebu Pacific, ang mga pasaherong may negative antigen result lamang ang papayagan na makaalis o sumakay ng eroplano patungong GenSan.
Para naman sa Manila-General Santos pre-flight checklist and experience, kailangang mag-fill out ang mga pasahero ng electronic passenger information form at magpre-register sa ibibigay ng link ng naturang airline.
Gagawin ito 24 oras bago ang kanilang flight, bukod pa rito ang travel authority sa hinihinging requirements bago makapasok sa GenSan.
Mahalaga rin na mag-check-in online bago magtungo sa paliparan bilang bahagi ng contactless flight procedures.
Pagdating sa paliparan, dapat ang mga pasahero ay agad magtungo sa testing facility na matatagpuan sa level 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.
Mas maigi gawin ito 5 oras bago ang departure upang mas mabigyan ng sapat na oras ang proseso ng test.
Makalipas ang kalahating oras, malalaman ng pasahero ang resulta ng kaniyang antigen test at makukuha ang kaniyang certificate.