Sinampahan na ng kasong administratibo ng Special Investigation Task Group (SITG) Bell 429 sa pamumuno ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang pilot-in-command ng PNP helicopter na bumagsak sa San Pedro Laguna noong March 5.
Sinabi ito ni PNP Spokesperson Pol. Col. Ysmael Yu sa isang statement kung saan ipinaabot din niya ang pakikiramay ng buong ahensiya sa pagpanaw kaninang madaling araw matapos ang ilang buwang pagka-comatose ni dating PNP Controller Pol. Col. Maj. Gen. Joevic Ramos, na isa sa mga pasahero ng naturang chopper.
Ayon kay Yu na batay sa findings ng SITG, airworthy at walang problema sa makina ang chopper, pero nagkaroon ng lapses sa panig ng piloto na naging dahilan ng pagbagsak ng chopper.
Dahil dito, sinabi ni Yu na sinampahan ng Grave Misconduct, Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries, Multiple Less Serious Physical Injuries and Damages to Property under Article 365 of the Revised Penal Code ang pilot-in-command sa Internal Affairs Service nitong September 2020.
Ang kasong kriminal naman ay nire-review pa sa tanggapan ni PNP Chief Pol. Gen. Camilo Pancratius Cascolan.