PINABILIS NA IDENTITY VERIFICATION, ASAHAN SA ILALIM NG NATIONAL ID INTEGRATED E-SYSTEM SA PANGASINAN

Inilunsad sa Pangasinan ang National ID Integrated Pangasinan E-System na layong gawing mas mabilis at episyente ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.

Isinagawa ang ceremonial signing ng integrasyon ng sistema noong Marso 10 sa pakikipagtulungan ng Philippine Statistics Authority Region 1 at ng pamahalaang panlalawigan.

Sa ilalim ng programa, iuugnay ang Pangasinan E-System sa National ID Authentication Services upang masiguro ang mas mabilis na beripikasyon ng pagkakakilanlan at paggamit ng mas tumpak na datos sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, makatutulong ang integrasyon upang mapadali ang trabaho ng mga frontliner dahil sa mas mabilis at maaasahang identity verification, bukod sa mababawasan ang papeles at mapaiikli ang oras ng pagproseso ng mga serbisyo.

Binigyang-diin naman ng pamahalaang panlalawigan na ang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na pag-isahin at paghusayin ang mga sistema ng pamahalaan upang maiwasan ang dobleng paggastos at mapalakas ang koordinasyon ng mga ahensya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments