PINADALING PAGPROSESO NG LATE REGISTRATION PARA SA MGA INDIGENT SA MANAOAG, PINALAWIG

Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang pinadaling pagproseso ng late registration para sa mga indigent sa pamamagitan ng Barangay Registration Assistance Program o BRAP, na layong mas mapabilis ang pagkuha ng birth certificate.

Batay sa ulat, nagpapatuloy ang programa simula Pebrero 2 upang mas mapalawak ang benepisyong hatid nito sa mga indigent constituents ng bayan na nahihirapang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento para sa late registration.

Nilagdaan na ng pamahalaang bayan ang pagpapatuloy ng naturang programa bilang bahagi ng pagsisikap na matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa pangunahing dokumento.

Isa sa mga pangunahing requirement ng BRAP ang indigency certificate na maaaring kunin sa Municipal Social Welfare and Development Office.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mas simple at mas kaunti ang requirements sa ilalim ng BRAP kumpara sa dating proseso ng late registration na nangangailangan ng mas maraming dokumento.

Dahil dito, hinihikayat ang publiko na samantalahin ang programa at magparehistro upang magkaroon ng legal na pagkakakilanlan.

Kasabay nito, inanunsyo rin na kikilalanin ang ilang benepisyaryo ng BRAP na matagumpay nang nakakuha ng kanilang birth certificate bilang patunay sa tagumpay ng programa.

Facebook Comments