Pinaigting na proteksyon sa mga manggagawa, inihirit ng isang senador

Hiniling ni Senator Raffy Tulfo ang mas pinaigting na proteksyon para sa mga maliliit na manggagawa laban sa mga mapang-abusong mga managers, supervisors at iba pang nasa matataas na posisyon.

Ang apela ng senador ay kasunod na rin ng insidente sa isang mall kung saan ang isang cashier ay pinagbintangang nangupit ng pera at pinagbayad pa.

Sa privilege speech ni Tulfo, iginiit nito na hindi isolated ang kaso dahil ilang tauhan na ng mall ang pareho ang sitwasyon na kung kailan malapit ang sweldo o kaya ay malapit na ma-regular ay saka may ganitong isyu ng pagnanakaw ng pera.


Aniya, aabot na sa 28 mga empleyado at dating cashier mula sa iisang mall ang lumapit sa kaniyang tanggapan para humingi ng tulong sa aniya’y tila modus ng mga namamahala doon.

Dahil dito, pinag-aaralan na ni Tulfo kung paano makapaglalatag ng ‘rebuttable presumption’ laban sa management na sabit sa ginagawang panlilinlang sa mga empleyado at kung paano mapapanagot ang mga ito sa batas.

Nababahala naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi lang pala endo ang isyu kundi maging ang pagpapabayad sa mga empleyado na napagbintangang nagnakaw na dapat ay agarang maaksyunan ng Senado.

Facebook Comments