Pinapatiyak ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa National Task Force on COVID-19 na pinakamabisang bakuna laban sa COVID-19 ang ibibigay sa lahat ng 1.7 milyong health care workers sa bansa.
Mensahe ito ni Recto sa harap ng napipintong pagdating sa bansa ng donasyong 600,000 COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese firm na Sinovac.
Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang COVID-19 Vaccination Act, sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na dahil sa mababang efficacy ay hindi rekomendado ang Sinovac sa 20,000 health care workers na direktang humarap sa mga COVID-19 patients.
Kumbinsido rin si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi advisable para sa health workers na exposed sa COVID patients ang Sinovac dahil sa mababang efficacy rate.
Nais naman ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na linawing mabuti ng FDA kung totoong mayroong pinipiling mabakunahan ng Sinovac vaccine na nabigyan na ng Emergency Use Authorization (EUA).
Punto ni Go, hindi magandang pakinggan na tila mayroong pinipili ang FDA para sa Sinovac kaya dapat nila itong linawin.
Paliwanag ni Go, ito ay para hindi magkaroon ng takot ang publiko kung bakit kailangang piliin ang mga dapat turukan ng bawat uri ng bakuna.