Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mary Jane Yadao, City Nutritionist ng Lungsod ng Cauayan, maaaring makilahok sa naturang kompetisyon ang mga Cauayeñong may tanim na malaki, mataba, mahaba, kakaiba at mabigat na gulay, prutas, root crops o anumang bunga o dahon na pasok sa mga nabanggit.
Tatanggapin ang mga kalahok na magpapalista sa naturang contest subalit sampung “PINAKA” o entry lamang ang pipiliin sa lahat ng 65 barangays sa Lungsod na ididisplay naman sa mismong araw ng Culminating activity na gaganapin sa July 29 sa FL Dy Coliseum.
Dadalhin ng sampung finalists ang kanilang ‘pinaka’ entry sa nabanggit na araw at ipepresinta sa mga hurado kasama ang detalye ng produkto tulad ng vital statistic, scientific name, variety, paano at saan ito itinanim at kung ano ang mga ginawang pamamaraan sa pagpapalaki sa produkto.
Ilan lamang aniya ito sa kanilang criteria na kung saan mula sa sampung “pinaka” entry ay pipiliin lamang ang Top 3 na pinaka malaki, mahaba, mabigat, mataba at kakaiba na produkto at sila ay tatanggap ng cash na premyo.
Nilinaw naman ni Yadao na mabibigyan pa rin ng consolation prize ang ibang kalahok na hindi makakapasok sa Top 3.
Layunin aniya ng naturang aktibidad na ma -ipromote ang mga lokal na produkto ng Siyudad ng Cauayan para maipakita rin sa publiko na mayroon pa lang kakaiba at malalaki na tanim ang mga Cauayeño.
Samantala, hinihikayat ng tanggapan ng City Nutrition Office ang lahat ng Cauayeño na makiisa sa mga aktibidades ngayong Nutrition month lalo na sa mismong araw ng culminating activity.