Nakuha ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinakamataas na satisfaction ratings sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa isinagawang survey ng SWS nitong December 2022, tumanggap ang AFP ng positive 76 o excellent net score na mas mataas ng 9 na puntos kumpara sa nakuha nitong positive 67 sa kaparehong panahon noong 2021.
Mula sa kabuuang 1,200 adult respondents, nasa 80 porsyento rito ang nagsabing kuntento sila sa mga ginagawang hakbang ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Maliban dito, napanatili din ng AFP ang napakataas na confidence ratings na positive 79 percent sa paglaban nito sa communist terrorist groups habang positive 76 percent sa pagsugpo naman sa local terrorist groups.
Positive 62 confidence score din ang nakuha ng AFP mula sa mga respondents na nangangahulugang kuntento sila sa mga hakbangin upang ipagtanggol ang interes ng bansa sa West Philippine Sea.