Isang Pinay domestic helper sa Hong Kong ang guilty sa pagnanakaw matapos kuhain ang pera at gamitin ang stored value card na laman ng napulot niyang wallet, Hulyo 23.
Sa ulat ng The SUN Hong Kong, nagkakahalagang HK$240 o halos P1,500 ang pera na kinuha ng 55-anyos na si Esther Mislang mula sa wallet na pagmamay-ari ng isang kindergarten.
Pinagmulta si Mislang ng HK$1,500 o halos P10,000 at inutusang ibalik ang halaga na ninakaw at nagamit sa Octopus card.
Ayon sa prosecutor, naiwan ng 5-anyos na bata ang wallet sa isang arcade na pinuntahan kasama ang kanyang tatay, noong Hulyo 1.
Nang mapansin na naiwan ang wallet, binalikan ito ng mag-ama ngunit wala na sa puwesto kung saan naglaro ang bata.
Nadiskubre sa CCTV footage na napulot ni Mislang ang wallet, nilagay sa kanyang bulsa at saka umalis.
Inaresto si Mislang noong Hulyo 3 nang maisumbong sa pulisya ang insidente, pero itinanggi nito na kinuha niya ang laman ng wallet; tinignan niya lang daw ito at itinapon sa basurahan.
Kalaunan ay sinabi ng abogado ni Mislang na kinuha nga ng suspek ang laman ng wallet bago itapon sa basurahan.
Higit 10 taon na umanong nagtatrabaho ang Pinay sa kasalukuyan niyang employer na sinuportahan siya sa kaso.