Pinay DH sa HK, sinibak umano habang pinagbubuntis ang anak ng employer

Isang Filipino domestic worker sa Hong Kong ang inakusahan ang dating employer na nag-terminate umano ng kontrata habang pinagbubuntis ang kanilang anak.

Sa tulong ng Equal Opportunities Commission (EOC), inireklamo ni Menchie L. ang dating employer na si Martin P., Caucasian, ng paglabag sa Sex Discrimination Ordinance.

Sa Hong Kong, sinumang magtanggal ng buntis na trabahador ay maaaring pagmultahin ng hanggang $100,000 (P5-M) at babayaran ang empleyado ng aabot sa $150,000 (P7.5-M).


Nanghihingi ng danyos na $90,000 (P4.5-M) si Menchie kay Martin para sa kawalan ng kita at “emotional distress.”

Sa pagdinig na naganap noong Hunyo 19, itinanggi naman ng dating employer ang alegasyon ng OFW at sinabing wala siyang pera maski pagkuha ng abogado.

Sa ulat ng Hong Kong news, sinabi rin ni Martin na sinampahan din siya ni Menchie ng apat na criminal at civil cases, kabilang ang paghingi ng finacial assistance para sa kanilang anak.

“I have no legal support in any of these cases. She filed these cases to teach me a lesson,” ani Martin sa korte.

Disyembre 2015 nang magtrabaho si Menchie kay Martin at nabuntis noong May 2017.

Ilang buwan matapos niyang ipaalam ang pagbubuntis, pinapipirma raw siya nito sa termination of contract na tinanggihan niya kaya raw sinibak siya ng amo at pinaaalis sa bansa.

Nagsampa ng reklamo si Menchie sa Labor Department na ayon kay Martin ay naisaayos na noong Agosto 2017.

Habang ang isa pang criminal case ni Menchie laban kay Martin ay ibinasura dahil sa kawalan ng ebidensya.

Nakumpirma naman na anak ni Martin ang isinilang ni Menchie noong Enero 2018 nang maghain ang Pinay ng kaso sa Family Court.

Gayunpaman, magkakaroon ng isa pang pagdinig sa Agosto ngayong taon para alamin ang halaga ng financial support ang dapat ibigay sa bata.

Nagpahayag naman ang EOC lawyer ng posibilidad ng out-of-court settlement bago magsimula ang pormal na paglilitis.

Facebook Comments