Isang Pilipinang domestic helper sa Hong Kong ang guilty sa pagmamaltrato sa alaga nitong 10 buwang gulang pa lamang.
Umamin si Joan Velasquez, 34-anyos, na malakasan niyang inugoy ang karga niyang alaga noong araw na napagsabihan ito ng amo.
Base sa ulat, tinawag umano ni Lai Shuk-fan, amo ng OFW, mula sa kusina si Velasquez pero hindi ito sumagot, dahilan para mapagsabihan.
Nang tignan ni Lai ang CCTV footage dalawang araw makalipas, saka niya nakitang puwersang inugoy o inalog ni Velasquez ang kanyang anak kaliwa’t kanan, taas at baba, nang hindi inaalalayan ang leeg at ulo nito.
Matapos isumbong sa pulisya ang insidente, inaresto si Velasquez habang dinala naman sa ospital ang bata upang matignan.
Ayon sa doktor, bagama’t walang external wound o palatandaan ng physical injury, lumabas na mahina at hindi fully-developed ang muscles sa leeg ng bata na maaaring mauwi sa shaken baby syndrome.
Pinayagang magpyansa ang Pinay noong March 12 at pinabalik noong May 7 kung kailan napagdesisyunan ang kasong ipapataw sa kanya.
June 18 nang umamin sa kasalanan si Velasquez na ngayon ay nagsisisi, ayon sa The SUN.
Umamin ang Pinay na ibinunton sa bata ang galit matapos payagan ng amo na umuwi noong holiday ngunit binawi ito nang makapag-book na siya ng flight.
Si Velasquez ay nagtrabahong domestic helper nang dalawang taon sa Kuwait bago magtrabaho noong December 2017 kina Lai Shuk-fan.