“Import pa more!”
Ito ang puna ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson hinggil sa desisyon ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng 60,000 metric tons ng galunggong.
“After killing our farmers by importing vegetables and fruits, it is the turn of our fishermen to die,” tweet pa ni Lacson sa kanyang opisyal na Twitter account, nitong Miyerkules.
Inanunsyo ang desisyon ng DA sa Laging Handa briefing noong Martes. Anila, mula ito sa pagtataya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nakitang mayroong 119,000 metric tons na kakulangan sa lokal na supply sa unang bahagi ng 2022 bilang epekto ng pananalasa ng Bagyong ‘Odette’.
Pero tinutulan ito ni Lacson lalo pa’t mayroon nang mga nakalipas na desisyon ang DA na nagpapahintulot sa potensyal na korapsyon sa pag-import ng mga agrikultural na produkto tulad ng karne ng baboy, manok, isda at iba pang seafood items.
Una na ring sinabi ng mambabatas na hindi katanggap-tanggap na mag-import ng galunggong ang bansa mula sa China na binu-bully ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
“Because of the incursions of Chinese vessels, we are denied 300,000 metric tons of fish… If you divide 30 million kilos of fish by 40 kilos, that would translate to 7.5 million Filipino families bumibili from other sources na isda. That’s unacceptable,” aniya.
Noong Abril 2021, isiniwalat ni Lacson ang datos na nakalap ng kanyang opisina na nagsasaad na mahigit P1 bilyong kita kada taon ang nawawala sa Pilipinas simula 2015 hanggang 2020, galing pa lang sa pag-import ng isda at iba pang seafood.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang pagkakaiba sa record ng World Trade Organization at Philippine Statistics Authority hinggil sa pag-aangkat ng isda at seafood mula sa top 15 exporting countries mula 2015 hanggang 2020.
“If corruption infects the Department of Agriculture that should be at the forefront of food security efforts, it goes beyond human conscience… Saan pa tayo pupulutin kung ang mga walang kaluluwa walang konsensya pati pagkain ng ordinaryong Pilipino di papatawarin?” ani Lacson sa isang panayam.
Ipinagtanggol din ni Lacson ang mga Pilipinong magsasaka na apektado ang kabuhayan dahil sa importasyon ng mga produktong agrikultural na kaya namang anihin sa bansa, katulad ng carrot at strawberry.
“Ang worry dito ng mga taga-La Trinidad, hindi lang ang influx ng smuggled agricultural products. ‘Pag napasukan pa ng peste, ‘yan pa isang concern kasi hindi dumadaan sa inspection,” saad niya sa pagdinig ng Senado hinggil sa agricultural smuggling noong Disyembre.