Ping: Maayos na suweldong makabubuhay ng pamilya, nararapat sa lahat ng manggagawa

Napapanahon na para mabigyan ng tamang umento ang mga security guard, nurse sa pribadong ospital, at iba pang ordinaryong manggagawa sa loob man o labas ng Metro Manila, ayon kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Ito ang kanyang tugon sa mga manggagawang humihiling na madagdagan ang kanilang suweldo para umangat ang kanilang kalagayan, ngayong nagmahal ang mga pangunahing bilihin dulot ng pagsirit sa presyo ng gasolina maliban sa nararanasang pandemya.

“Kung tumaas na ‘yung cost-of-living, kailangan i-adjust ‘yung suweldo. Paano mabubuhay ‘yung isang pamilya na, halimbawa, tatlo ang anak? Dapat doon natin ibase lagi at dapat laging nakatutok ‘yung ating DOLE (Department of Labor and Employment),” sabi ni Lacson.


Inihayag niya ito sa ginanap na pulong bayan sa Catanduanes State University nitong Biyernes (Abril 29), kung saan isang security guard ang dumulog sa kanya para alamin kung paano masosolusyunan ang mabagal na pagtaas ng suweldo ng mga katulad niyang matagal na sa serbisyo.

Para kay Lacson, matik na dapat ang mga umento sa sahod ng manggagawang Pilipino, lalo kung patuloy na magmamahal ang mga presyo ng bilihin bunsod ng pagtaas sa halaga ng mga produktong petrolyo.

“Huwag nang maghintay na mag-petition pa ‘yung mga association (at) ‘yung mga labor groups. Dapat ngayon naka-adjust na tayo kasi ilang buwan na tayong nag-su-suffer sa high-cost o high price ng oil at sumunod na ‘yung mga bilihin,” ayon sa senador.

Paliwanag ni Lacson, base sa kanilang huling pagtataya sa suweldong nararapat matanggap ng mga nagtatrabaho sa Metro Manila, dapat ay aabot na ito sa P652 hanggang P700 kung pagbabatayan ang umiiral na sitwasyon sa ekonomiya.

Dahil dito, naniniwala siyang kailangan nang pag-aralang mabuti ng National Wages and Productivity Commission at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa ilalim ng pangangasiwa ng DOLE ang usaping ito.

“Ang presyo naman ng oil natin halos pare-pareho e, nagtaasan. So, halos lahat ng rehiyon sa buong Pilipinas tinamaan, lahat ng mga laborers. It’s about time na i-review na ‘yung wage, ‘yung minimum wage o ‘yung wage mismo i-adjust na,” pahayag ni Lacson.

Sinagot din ng presidential candidate ang hirit ng mga manggagawa na gawing pantay-pantay ang minimum wage sa lahat ng rehiyon sa buong bansa. Aniya, tila ibang usapan na ito dahil batid niya na ang pagtatakda ng suweldo ay nakabase sa kalagayan ng ekonomiya ng isang lugar.

“Hindi naman pantay-pantay. Dapat ‘yon nakabase nga doon sa cost-of-living sa isang lugar. May mga lugar mura ang bilihin, may mga lugar mahal ang bilihin. Doon dapat nakabase ‘yung ano (wage rate). Pero hindi pwedeng napag-iiwanan ‘yung isang lugar,” paliwanag ni Lacson.

Bago pa ang kanyang pagdalaw sa Catanduanes, una na ring sinabi ni Lacson sa pulong bayan sa Malabon City na isusulong din niya ang pagtataas ng suweldo ng mga nurse sa pribadong ospital, gaya ng naging pag-angat sa sahod ng mga entry-level nurse na naglilingkod sa mga ospital ng gobyerno.

Ngunit ayon kay Lacson, kinakailangan muna niyang makalap ang mga mahahalagang datos para maplano at maisakatuparan ito. “Madaling mangako e. Alam mo ‘yung mga kandidato ‘pag sinabi ‘hindi bale, ‘pag nanalo kami, mataas kaagad ang sweldo.’ Hindi po kami ganoon,” tugon niya.

“Aaminin ko, hindi ako ready na sagutin ang tanong mo kung paano iaangat ‘yung sweldo ng mga private nurse, pero there must be a way. Kasi nga maraming umaalis sa pribado, nag-a-apply sa government hospitals, ‘yung iba umaalis na lang ng bansa. Hindi naman pwedeng laging ganyan,” pagtitiyak ni Lacson. ###

Facebook Comments