Pinsala sa infrastructure ng lindol sa Masbate, umaabot na sa halos P24-M ayon sa DPWH

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umaabot na ngayon sa ₱23.96 million ang halaga ng pinsala sa infrastructure ng nangyaring 6.6 magnitude na lindol kahapon sa Masbate.

Partikular na napinsala ang mga national roads, tulay at iba pang infrastructure sa Bicol Region.

Agad namang ipinag-utos ni Secretary Mark Villar ang pagtungo sa lugar ng DPWH post-earthquake assessment teams para suriin ang kabuuang pinsala ng lindol.


Base naman sa August 19, 2020 monitoring report ng DPWH Bureau of Maintenance (DPWH-BOM), bagama’t lahat ng national roads at tulay sa Masbate Island ay passable, lumabas sa assessment na ang sections ng kahabaan ng Masbate-Cataingan-Placer Road ay napinsala ng lindol.

Gayundin ang K0075+836 section ng Cataingan-Poblacion Road sa Barangay Poblacion, Cataingan, Masbate.

Habang sa Camarines Sur, nakita rin ang minor damage sa bank protection ng Panganiban Bridge sa K0482+425 ng Barangay Nierva, sa bayan ng Nabua.

Naglagay na rin ang DPWH ng road warning signs at safety devices sa mga apektadong kalsada bilang guide sa mga motorista.

Kinumpirma rin ng DPWH-BOM ang pinsala ng lindol sa public buildings at ports kabilang na ang tanggapan ng DPWH Masbate 3rd District Engineering Office Building sa Balocawe, Dimasalang; Palanas Police Station Building sa Poblacion, Palanas; Inocencio Central School Building sa Villa-Inonencio, Placer; Cataingan Public Market at Cataingan Port sa Poblacion, Cataingan; at Dimasalang Port sa Poblacion, Dimasalang town.

Ang partial na halaga ng pinsala sa mga kalsada sa Masbate ay umaabot na sa ₱5.64 million, habang sa mga tulay ay ₱8.96 million, at sa public buildings ay ₱9.35 million.

Facebook Comments