Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa halagang P997 milyon ang iniwang pinsala ng malawakang pagbaha dulot ng Bagyong Ulysses sa sektor ng Agrikultura sa buong lambak ng Cagayan batay sa inisyal na tala ng Department of Agriculture (DA) region 2.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, may malaking pinsala pa rin sa tanim na palay na sinundan ng mais, high value crops maging ang pinsala sa livestock na umabot naman sa P11 milyon.
Aniya, patuloy pa rin ang paghihintay na makapagsumite ng damage report ang mga Local Government Unit (LGU) para matukoy ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Sa ginagawang pag-iikot ng mga tauhan ng DA region 2 ay kapansin-pansin ang makapal na putik sa ilang pananim na mais partikular sa bayan ng Alcala kung saan sila nagsagawa ng monitoring.
Bukod dito, bilang tulong sa apektadong magsasaka at pamilya ay nagpaabot din ng ilang naaning gulay ang probinsya ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Tiniyak naman ahensya ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong magsasaka at bilang tulong ay mamimigay din ng binhi ng palay at mais upang makapagsimula muli matapos ang matinding epekto ng kalamidad.