Huli ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang operasyon nang pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Marine Battalion Landing Team 11 sa Barangay Sangali, Zamboanga City.
Kinilala ang naarestong bandido na si Kahar Indama alyas “Khang”, residente ng Barangay Sangali, Zamboanga City.
Natukoy naman ng mga awtoridad na pinsan ito ni Basilan based ASG leader Furuji Indama.
Bihasa si Kahar Indama sa paggawa ng Improvised Explosive Device (IED) at sangkot sa pagpapasabog sa Batasan Complex sa Quezon City noong November 13, 2007.
Sa pagsabog, nasawi si Basilan Congressman Wahab Akbar at pagkasugat ng pitong iba pa kabilang ang dalawang mambabatas.
Sangkot din ang suspek sa pananambang sa tropa ng 4th Special Force ng Philippine Army noong 2007 na dahilan ng pagkamatay ng 7 Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU’s), 1 Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at pagkasugat ng 3 Army officers, 4 enlisted personnel at 1 pang CAFGU.
Ayon kay Police Major Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office-9 (PRO-9) , inaresto si Indama sa pamamagitan ng warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nakuha sa kanyang pagiingat ang mga Improvised Explosive Device (IED) components isang caliber .38 revolver loaded ng 3 ammunitions.