Cauayan City, Isabela- Binabalaan ng pinuno ng 95th Infantry Battalion ng 5 th ID, Philippine Army ang sinumang magbabalak na mamutol ng punong kahoy sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt. Col. Gladiuz Calilan, Commanding Officer ng 95IB, hindi mag-aatubili ang kasundaluhan na hulihin ang mga mananamantala sa bundok na namumutol ng kahoy.
Ito’y matapos makasabat ng libu-libong board feet ng kahoy ang tropa ng 95th katuwang ang ilang opisyal ng barangay, tropa ng 86th IB at ng PNP Benito Soliven sa Brgy. Guilingan, Benito Soliven, Isabela.
Nagresulta ito sa pagkakahuli ng limang (5) katao na nagpuslit ng tinatayang 2,500 board feet ng kahoy (red Lawaan) na tinakpan ng sako-sakong mais at isinakay sa isang Isuzu Forward Elf na may plakang REW502.
Ayon kay LTC Calilan, huwag sana aniyang mamutol ng puno bagkus ay magkaiisa sa pangangalaga at pagprotekta sa ating inang Kalikasan.
Marami naman aniyang paraan na maaring gawin upang kumita at hindi ang pagsira sa kalikasan o nagsasagawa ng illegal logging.
Samantala, nanawagan pa rin ang Kumander sa mga natitira pang rebelde na magbalik-loob na rin sa gobyerno kahit na may kinaharap na krisis ang bansa.