Pinuno ng CVMC, Umaapela na ng Tulong

Cauayan City, Isabela- Humihingi na ng tulong sa alkalde ng Tuguegarao City at sa City Health Officer ang pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) dahil nasa puno na ang COVID-19 ward ng nasabing ospital.

Sa kasalukuyan, ang 70 rooms na inilaan ng ospital para sa mga COVID patient ay sobra-sobra sa bilang ng mga nagpositibo na kung saan umabot na sa punto na may dalawa (2) hanggang tatlong (3) pasyente sa isang isolation room.

Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na kawawa at pagod na ang mga doctor at nurse ng nasabing ospital at hindi na rin nagagawa ang tamang health system.


Dagdag pa nito na ang isang Doctor at Nurse ay nasa maximum na sampung (10) pasyente ang inaasikaso subalit ngayon ay umaabot na sa 20 pasyente.

Malaking hamon din sa ospital ang pagkakahawa ng mga health workers dahil sa patuloy na pagdami ng positibong kaso.

May posibilidad din ani Baggao na kumalat sa ibang bayan sa Cagayan ang tatamaan ng COVID-19 kung hindi gagawa ng kongkretong aksyon ang pamunuan ng Tuguegarao City.

Iminungkahi naman ni Dr. Baggao na dapat ay may sariling isolation unit ang lahat ng mga barangay sa Tuguegarao City upang doon na ilagay ang mga pasyenteng asymptomatic para maiwasan ang home quarantine.

Sa ngayon, mayroong 202 COVID-19 related patients ang CVMC at 188 dito ang active cases habang 14 ang suspected patients.

Facebook Comments