PIRMADO NA | Anti-Hazing Law, pinirmahan na ni Pangulong Duterte

Manila, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Law of 2018.

Sa ilalim ng bagong batas, labag ang anumang klase ng initiation rites na maituturing na hazing.

Kailangan din na humingi ng kaukulang permiso sa mga otoridad ang anumang organisasyon, pitong araw bago gawin ang initiation activities na dapat ay hindi lalampas ng tatlong araw.


Binigatan din ng bagong batas ang parusa sa mga lalabag dito.

Reclusion Perpetua o panghabangbuhay na pagkakakulong, bukod pa ang 3-milyong pisong multa ang kakaharapin ng sinumang sangkot sa hazing na nauwi sa pagkamatay, rape, sodomy, mutilation o pagkaputol ng anumang bahagi ng katawan ng hazing victim.

Kasama din sa mga kakasuhan ang mga mapatutunayang alam nila ang hazing pero walang ginawa para pigilan at hindi isinumbong sa mga otoridad ang aktibidad.

Mapapatawan ang mga ito ng reclusion temporal o pagkakakulong ng hanggang 30 taon at multang 1-milyong piso.

Marso nang ratipikahan ng kongreso ang panukalang batas kasunod ng pagkamatay sa hazing ng University of Sto.Tomas law freshman student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Facebook Comments