Nagkansela ng biyahe ang ilang bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil sa kakapusan sa mga bus.
Kabilang sa kinansela ang biyahe patungong Lipa City, Batangas City, Matnog, Maasin, Lucena City, Pio Duran at Bagamanoc.
Ayon sa ticket sellers, ang kanselasyon ay bunsod ng kulang ng bus ang ilang bus companies.
Gayunman, may iba naman na bus companies na sasalo sa mga pasahero ng mga nagkansela ng biyahe.
Ngayong araw lamang na ito ay umaabot na sa halos 70,000 ang mga pasaherong dumagsa sa PITX.
Siksikan na ang mga pasahero sa loob ng PITX kung saan ilan sa kanila ay galing sa malalayong probinsya at pabalik na muli sa NCR at mga kalapit na lalawigan habang ang iba naman ay nagbakasyon sa Metro Manila at biyahe na muli sa kani-kanilang mga probinsya.
Mahaba rin ang pila ng mga pasahero partikular sa mga bus na biyaheng Cavite, Batangas at mga sasakay sa EDSA Bus Carousel.
Punuan na rin ang ilang bus at nakatayo na ang ilang pasahero gaya ng mga papunta sa Cavite.
Naranasan na rin ang mabigat na daloy ng trapiko ng mga sasakyan papasok at palabas ng PITX.