Naghain ng resolusyon sa Senado si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., para alamin kung epektibo pa ang flood control master plan ng pamahalaan at ang pending na flood control projects.
Ginawa ni Revilla ang hakbang matapos na bahain ang ilang lugar sa Metro Manila matapos ang malakas na pagbuhos ng ulan kung saan maraming commuters ang naapektuhan.
Ayon kay Revilla, tila lumalala ang problema sa baha dahil ang mga lugar na hindi binabaha noon ay lumubog ngayon.
Aniya, bukod sa kabuhayan ay nalalagay rin sa alanganin ang buhay ng mga residenteng binaha.
Pinuna rin ni Revilla ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ilang LGUs sa Metro Manila dahil sa kabila ng Flood Management Master Plan sa NCR ay patuloy pa rin ang pagbaha.