Umaasa si Senator Bong Revilla na mababanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ang plano para sa patuloy na pagpapalakas ng infrastructure spending ng gobyerno na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nais din ni Revilla na marinig kay PBBM ang plano para sa sektor ng edukasyon, kalusugan, trapiko at pagbaha gayundin sa food security at agriculture na kanya ngayong pinamumunuan.
Sigurado naman si Revilla na tatalakayin ng pangulo ang landas na tatahakin ng bansa at ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan para tuloy-tuloy ang pagbangon natin mula sa pandemya.
Naniniwala rin si Revilla na may magandang polisiya at programa ang administrasyong ito para sa mga manggagawang Pilipino na malaki ang nagiging ambag sa ating ekonomiya.